Ang mga SINASAMPALATAYANAN


Ang Christian Missions in the Philippines (CMPI) ay hindi isang secta o denominasyon, kundi ito’y isang samahan ng mga iglesiang lokal upang makamtan ang kinakailangang pagkakilala ng gobyerno bilang non-profit incorporation. Ang CMPI ay hindi isang autoridad na sentral na nakikialam sa mga bagay ng mga iglesiang pampurok. Naniniwala tayo sa pansarili at malayang pamamahala ng bawat iglesiang pampurok. Naniniwala tayo na ang Salita ng Dios ay ang basihan para sa ating mga paniniwala, mga doctrina, at mga pagsasagawa. Kusang-loob ang pagsasama ng mga iglesiang pampurok sa CMPI; kinikilala nila ang ating makakaparehong pananampalataya sa Panginoon Jesu-Cristo at sa Kanyang Salita. Ibinabahagi po namin ang mga sinasampalatayanang ito sa ikaliliwanag at sa ikakatibay ng mga iglesiang pampurok na nagnanais na sumama sa CMPI.


I. ANG BIBLIA
Naniniwala tayo na ang bawat salita ng Dios sa original na kasulatan sa Lumang Tipan at Bagong Tipan ay kinasihan ng Dios na walang pagkakamali, ni walang pagbabago, at ito ang pinakasakdal, pinakamataas, at pang-huling autoridad sa lahat ng mga bagay sa pananampalataya at pagsasagawa ng mga ito. (Awit 12:6, 19:7-11; 2 Tim. 3:16-17; 2 Ped. 1:20-21; Apoc. 22:18-19)

II. ANG DIOS
Naniniwala tayo na may iisang Dios na nagpahayag sa tatlong persona: Ang Dios na Ama, Ang Dios na Anak, at Ang Dios na Espiritu, at ito’y namamalagi magpakailanman. (Gen. 1:26; Deut. 6:4; Mt. 28:19; Jn. 4:24; 10:30; Gawa 5:3-4; 2 Cor. 13:14)

III. ANG DIOS NA AMA
Naniniwala tayo na ang Ama ay tunay na Dios na ang Kanyang pagka-ama ay sakdal at magpakailanman at Siya ang Ama ng Panginoon Jesu-Cristo at ng sinumang sumasampalataya kay Jesu-Cristo. (Mat. 5:48; Jn. 18; Gal. 4:4-7; 1 Cor. 1:3)

IV. ANG DIOS NA ANAK NA SI JESU-CRISTO
Naniniwala tayo na si Jesu-Cristo ay tunay na Dios at tunay na tao na ipinanganak ng isang birhen. Si Jesu-Cristo ay walang kasalanan at hindi nagkasala. Siya’y namatay bilang halili at sakdal na kabayaran para sa mga makasalanan. Siya’y nabuhay na mag-uli mula sa kamatayan at umakyat sa langit na taglay ang maluwalhating katawan na lumuklok sa kanan ng Dios Ama. Ang Panginoon Jesu-Cristo lamang ang Tagapagligtas, at Tagapa-magitan sa Dios at sa mga tao. (Mat. 1:21-23; Jn. 1:1,14; Gawa 4:10-12; 1 Tim. 2:5; Tito 2:13; Heb. 1:8; 1 Ped. 3:18)

V. ANG DIOS NA ESPIRITU SANTO
Naniniwala tayo na ang Espiritu Santo ay tunay na Dios, na lumuluwalhati kay Jesus, at hindi Siya kumikilos na nakasalungat sa Salita ng Dios. Siyang nagbabago sa buhay ng tao, bumabautismo at nananahan sa mga tunay na mananampalataya na Kanyang tinatakan mula nang tanggapin si Cristo bilang Tagapagligtas at Panginoon. Dapat ang bawat Cristiano ay mangapuspos ng Espiritu Santo. Siya rin ang nagbibigay ng mga espiritual na kaloob upang magamit ang bawat mananampalataya sa paglilingkod sa ikalalago ng iglesia, ayon sa Banal na Kasulatan. Naniniwala rin tayo na may mga kaloob na katulad ng pagiging apostol, panghuhula, pagsasalita ng ibang wika, at pagpapagaling na ginamit ng Dios noon sa pagsisimula ng iglesia na hindi napapanahon sa ngayon.. (Jn. 16:13-15; Gawa 5:3-4; 1 Cor. 12-14; 2 Cor. 12:12; Ef. 1:13, 2:20, 4:11-12, 5:18; Tito 3:5; Heb. 2:3-4)

VI. ANG TAO
Naniniwala tayo na ang tao ay nilikha ayon sa wangis ng Dios. Ang tao ay binubuo ng katawan, kaluluwa at espiritu. Si Adan na unang taong nilikha ay nagkasala, at namana natin ang kanyang makasalanang likas. Lahat ng tao ay makasalanan dahil sa likas at gawa. Kung walang kaligtasan na mula sa Dios ang tao ay naligaw at makakaranas ng walang hanggang kaparusahan. (Gen. 1:26-27; Mt. 13:42, 25:46; Mk. 9:43-48; Lk. 16:19-26; Rom. 5:12; Ef. 2:1-3; 1 Thes. 5:23; Apoc. 20:11-15)

VII. ANG KALIGTASAN
Naniniwala tayo na ang kaligtasan ng biyayang natamo mula sa Dios ay binayaran sa pamamagitan ng dugo ni Cristo na namatay bilang pangpalubag-loob sa mga kasalanan ng buong sanglibutan. Ang kaligtasan ay inaalok sa lahat ng tao, at makakamtan sa pamamagitan ng pananampalataya, na hiwalay sa ating mga mabuting gawa. Sabay-sabay sa kapangyarihan ng Dios at sa pagtugon ng tao ay makakamtan ang kaligtasan. Sa lahat na nagsisi ng kasalanan at nagtiwala kay Jesu-Cristo bilang Panginoon at Tagapagligtas ay ipinanganak na muli at makakamit ang katiyakan ng kaligtasan. (Lk. 5:32; Jn. 3:16, 5:24, 10:28-30; Gawa 20:21; Rom. 10:9-10; Gal. 2:16; Ef. 1:13, 2:8-10; Tito 2:11; 1 Jn. 2:2, 5:11-13)

VIII. ANG IGLESIA
Naniniwala tayo na ang pangkalahatang iglesia ay binubuo ng mga mananampalataya kay Jesu-Cristo magmula sa Pentecostes hanggang sa pag-agaw ng iglesia. Ang bawat iglesiang pampurok ay isang maliit na larawan ng tinatawag na pangkalahatang iglesia. Naniniwala tayo na ang iglesiang lokal ay sentral sa plano ng Dios sa pagbabahagi ng ebanghelyo, sa paggawa ng mga alagad, sa pagsamba at sa pakikisama. Mananagot ang bawat iglesiang lokal kay Cristo lamang bilang pangulo ng bawat iglesiang lokal. Mayroon mga makadios na lalaki sa bawat iglesia na kinikilala bilang mga matanda ng iglesia na silang namumuno at nag-aalaga sa espiritual na kalusugan ng kapulungan. (Mat. 16:18; Gawa 2:42-47, 20:28; 1 Cor. 12:12,13, 27; Ef. 1:22-23, 5:24,25,30; Fil. 1:1; Col. 1:18; 1 Tim. 1:1-13; 1 Ped. 5:1-5)

IX. ANG PAGLILINGKOD NG MGA BABAE
Naniniwala tayo na ang ating mga kapatid na babae ay kapantay sa mga lalake bilang kasamang tagapag-mana ng biyaya ng kabuhayan. Dahil dito pinalalakas natin ang loob nila upang maglingkod sa Panginoon sa: personal na pagbabahagi ng ebanghelyo, pagtuturo sa mga ibang babae at sa mga bata, panalangin, pamimigay, hospitality, practical na paglilingkod, pagbabahagi ng literatura, musika, pag-aalaga ng mga mahihirap, at pagtatayo ng sambahayang Cristiano. Kinikilala rin natin ang kaibahan ng mga tungkulin ng mga babae at lalake. Maliwanag ang pagtuturo ng Bagong Tipan na hindi puedeng magturo, ni magkaroon ng pamumuno ang babae sa lalake at sa iglesia, kundi mag-aral na tumahimik na may buong pagpapasakop na may malaking halaga sa paningin ng Dios. ( Gal. 3:28; Rom. 16: 1,2; 1 Cor. 11:1-16; 14:34-37; 1 Tim. 2:9-15; Tito 2:1-5; 1 Ped. 3:1-7)

X. ANG MGA ORDINANSA NG IGLESIA
Naniniwala tayo na may dalawa lamang nakatala sa Banal na Kasulatan kung pag-uusapan ang ordinansa: 1) Ang tinatawag na bautismo sa pamamagitan ng paglubog sa tubig na nagsisimbolo na ang mananampalataya ay namatay na kalakip ni Cristo Jesus, na nalibing na kasama Niya at muling nabuhay para lumakad sa bagong paraan ng pamumuhay. 2) Ang tinatawag na banal na hapunan, na inaalaala natin ang Panginoong Jesu-Cristo sa Kanyang kamatayan at pagkabuhay na maguli; sa pamamagitan ng tinapay at pag-inom sa saro na nagsisimbolo ng Kanyang katawan at dugo na ipinahahayag natin palagi hanggang sa Kaniyang muling pagbabalik. (Mat. 28:19-20; Lk. 22:19-20; Gawa 8:36-39, 20:7; Rom. 6:1-4; 1 Cor. 11:23-32)

XI. ANG MGA BAGAY NA HINAHARAP
Naniniwala tayo na ang Panginoong Jesu-Cristo ay muling babalik upang agawin ang iglesia at ito’y malapit na, sa isang araw at oras na ‘di nalalaman ng sinoman, bago sa Dakilang Kapighatian. Pagkatapos ng Dakilang Kapighatian ay ang isang libong taong paghahari ng Panginoong Jesus dito sa lupa. Ito’y susundan ng huling pagkabuhay na maguli at paghuhukom ng mga naligaw na makakaranas ng walang hanggang kaparusahan. Ang mga mananampalataya kay Cristo ay makakaranas ng walang hanggang pagpapala. (Mat.24: 3-44; Lk. 16: 19-26; Jn. 14: 1-3; 1 Thes. 4: 13-5:11; 2 Thes. 1:8-9; Apoc. 14: 9-11, 20:1-21:8)

XII. ANG PANANALAPI
Naniniwala tayo na hindi kukulangin ang gawain ng Panginoon, na ginagawa sa pamamaraan ng Panginoon. Sa pamamagitan ng pananampalataya inaasahan lamang natin si Cristo nagbibigay ng sapat, sa pamamagitan ng Kanyang mga tao. Sa pag-ibig nagkakaloob tayo, ayon sa ating iginiginhawa, bilang palagiang bahagi ng ating pagsamba. Hindi tayo naniniwala sa public na paghihingi o paglilimos, ni ang paghahanap ng kontribusyon sa labas ng iglesia. Bilang mga katiwala ng Dios nais natin hanapin muna ang Kanyang kaharian at ang Kanyang katuwiran sa ating pagamit ng lahat ng Kanyang ipinagkatiwala sa atin. (Mat.6:33; 1 Cor. 4:1-2, 13:3, 16:1-4; 2 Cor.8-9, Gal. 6:6; Fil. 4:17-19; 1 Tim. 5:17-18; 3 Jn. 7)

--Dulo ng Dokumentong--